1,500 FDCP-Registered Film Workers, Babakunahan ng Quezon City Government sa ilalim ng #QCProtekTODO Program

fdcp
COVID-19 vaccination site of the #QCProtekTODO program. Photo courtesy of the Quezon City Government

 

MAYNILA, PILIPINAS, HUNYO 16, 2021 — Mula nang inanunsyo ang pagbabakuna ng A4 Priority Group noong Hunyo 7, kung saan kabilang ang film at entertainment workers kasama ang freelancers, nakikipag-ugnayan na ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa iba’t ibang local government units (LGUs) para matulungan ang lahat ng manggagawa ng sektor sa kanilang inoculation registration, lalo na ang mga nakarehistro sa National Registry (NR) ng FDCP. 

Isa si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga unang sumagot at nagbigay-suporta para sa pagbabakuna ng NR members, ibinahagi ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño. “‘We’ll take care of them,’ Mayor Joy Belmonte said during our conversation,” wika ni Diño.

Sa pakikipagtulungan ng FDCP National Registry at Quezon City (QC) Government, lahat ng film at audiovisual (AV) workers sa ilalim ng National Registry for Audiovisual Workers (NRAW) na nakabase sa Quezon City ay mababakunahan sa ilalim ng #QCProtekTODO program. Halos 1,500 sa mahigit na 5,000 NRAW registered workers ay residente ng Quezon City. 

Layunin ng Quezon City Government na magkaroon ng organisadong sistema para sa pagbabakuna ng film at AV workers, at nakikipagtulungan ito sa FDCP para mapadali ang proseso ng pagbabakuna ng lahat ng QC-based workers. Inayos at isinumite ng pambansang ahensya ng pelikula ang listahan ng lahat ng QC-based NR registrants kasama ang lahat ng kanilang impormasyon at requirements. 

“We thank Mayor Belmonte for her compassion and efficiency in assisting our workers with their vaccination. Malaking bagay ang mabakunahan ang ating mga manggagawa dahil buwis-buhay gumawa ng pelikula lalo na ngayong pandemya,” sinabi ni Diño.

Para sa NR registrants na hindi taga-Quezon City, kailangan nilang magparehistro sa kanilang LGUs at maaari nilang ipakita bilang proof of occupation ang kanilang FDCP National Registry Certification. Inihayag ng FDCP na maaaring i-download ng lahat ng NR registrants ang FDCP NR Certification mula sa kanilang MyFDCPRegistry Profile sa NR website (nationalregistry.fdcp.ph). Magagamit ito ng freelance workers na walang company ID dahil kailangan nilang patunayan na sila ay economic frontliners sa ilalim ng A4 Priority Group. 

Sinabi rin ni Diño na nakikipag-ugnayan din ang FDCP sa ibang LGUs para sa posibleng pakikipatulungan para sa pagbabakuna ng NR registrants gaya ng kamakailang pakikipagtulungan ng FDCP at QC Government. 

Ang FDCP, na nag-lobby para sa pagbabakuna ng film at AV workers simula 2020, ay nais tulungan ang lahat ng NR registrants sa kanilang registration para sa inoculation. Para sa film at AV workers na gustong mag-register sa FDCP NR, maaari silang bumisita sa NR website upang sagutin ang form at magbigay ng personal at work information. 

 

Para sa mga katanungan, magpadala ng email sa [email protected] o bumisita sa https://nationalregistry.fdcp.ph